Geyluv

By DJ Workz - November 27, 2017







GEYLUV
Honorio Bartolome de Dios

1       I LOVE YOU, MIKE.

2       ‘Yun lang at hindi na siya nagsalita pang muli.  Pigil-pigil ng umid niyang dila ang reaksyon ko sa kanyang sinabi.

3       I love you, Mike.  Nagpaulit-ulit ang mga kataga sa aking diwa.  Walang pagkukunwari, ngunit dama ang pait sa bawat salita.  Natunaw na ang yelo sa baso ng serbesa, lumamig na ang sisig, namaalam na ang singer, pero wala pa ring umiimik sa aming dalawa.

4       Mag-aalas-tres na, uwi na tayo.

5       Miss, bill namin.

6       Hanggang sa marating naming ang apartment n’ya.  Wala pa ring imikan.  Kaya ako na ang nauna.

7       Tuloy ba ang lakad natin bukas sa Baguio, Benjie?

8       Oo, alas-kwatro ng hapon, sa Dagupan Terminal.  Good night.  Ingat ka.

9       Are you okay, Benjie?

10    Wala ni imik.

11    Are you sure you don’t want me to stay tonight?

12    Don’t worry, Mike.  Okey lang ako.

13    Okey.  Good night.  I’ll call you up later.

14    Usapan na naming iyon kapag naghihiwalay sa daan.  Kung sino man ang huling uuwi, kailangang tumawag pagdating para matiyak na safe itong nakarating sa bahay.

15    That was two years ago.  Pero mga ateeee, bumigay na naman ako sa hiyaw ng aking puso.  Di na ako nakapagsalita pagkatapos kong banggitin sa kanyang “I love you, Mike.”  At ang balak ko talaga, habang panahon ko na siyang di kausapin, after that trying-hard-to-be-romantic evening.  Diyos ko, ano ba naman ang aasahan ko kay Mike ano?

16    Noong una kaming magkita sa media party, di ko naman siya pinansin.  Oo, guwapo si Mike at macho ang puwit, pero di ko talaga siya type.  Kalabit nga ng kalabit sa akin itong si Joana.  Kung napansin ko raw ang guwapong nkatayo doon sa isang sulok.  Magpakilala raw kami.  Magpatulong daw kami sa media projection n gaming mga services.  I-invite raw naming sa office.  Panay ang projection ng lukaluka.  Pagtaasan ko nga ng kilay ang hitad!  Sabi ko sa kanya, wala akong panahon at kung gusto niyang maglandi nung gabing iyon, siay na lang.  Talaga naman pong makaraan ang tatlong masalimuot na love-hate relationship na tinalo pa yata ang love story nina Janice de Belen at Nora Aunor, sinarhan ko na ang puso ko sa mga lalako.  Sa mga babae?  Matagal nang nakasara.  May kandado pa!

17    Aba, at mas guwapo pala sa malapitang ang Mike na ito.  At ang boses!  Natulig talaga nagn husto ang nagbibingibingihan kong puso.  And after that meeting, one week agad kaming magkasama sa Zambales.  Of course, siya ang nagprisinta.  Di ako.  At noon na nagsimula ang problema ko.

18    Imbyerna na ako noon kay Joana, noong magpunta kami sa Zambales para sa interview nitong si Mike.  Aba, pumapel nang pumapel ang bruha.  Daig pa ang “Probe Team” sa pagtatanong ng kung anu-ano rito kay Mike.  At ang Mike naman, napaka-accommodating, sagot nang sagot.  Pagdating naming sa Pampanga, bigla nga akong nag-ayang tumigil para mag-soft drink.  Kailangan ko na kasing manigarilyo mang mga oras na iyon.  Tense na ako.

19    Gasgas na sa aking ang puna ng mga amiga kong baklita na ilusyon ko lang ang paghahanap ng meaningful na relationship.  Sabi ko naman, tumanda man akong isang ilusyunadang bakla, maghihintay pa rin ako sa pagdating ng isang meaningful relationship sa aking buhay.  Nanininwala yata akong pinagpala din ng Diyos ang mga bakla!


20    MATARAY ITONG SI Benjie, mataray na bakla, ‘ika nga.  Pero mabait.  Habang lumalalim an gaming pagiging magkakilala, lalo ko naming naiintindihan kung bakit siya mataray.

21    Well, if you don’t respect me as a persond dahil bakla ako, mag-isa ka.  I don’t care.  ‘Yun ang usual defensive niay ‘pag may nanlalait sa kanyang macho.

22    I’ve been betrayed before, and I won’t let anybody else do the same thing to me again.  Ever!

23    Ang taray, ano po?  Pero hanggang ganyan lang naman ang taray nitong si Benjie.  Para bang babala niya sa sarili.  Lalo na pag nai-involve siya sa isang lalaki.  Natatakot na kasi siyang magamit, ang gamitin ng ibang tao ang kanyang kabaklaan para sa sarili nilang kapakanan.  May negative reactions agad siya ‘pag nagiging malapit at sweet sa kanya ang mga lalaki.

24    At halata ang galit niya sa mga taong nagte-take advantage sa mga taong vulnerable.  Tulad noong nakikinig siay sa interview ko sa namamahala ng evacuation center sa isang eskuwelahan sa Zambales.  Nikuwento kasi nito ang tungkol sa asawa ng isang government official na ayaw sumunod sa regulasyon ng center sa pamamahagi ng relief goods upang maiwasan ang gulo sa pagitan ng mga “kulot” at “unat” na pawing mga biktima ng pagsabog ng Pinatubo.  Simple lang naman ang regulasyon: kailangang maayos ang pila ng mga kinatawan ng bawat pamilya upang kumuha ng relief goods.  Ang gusto naman daw mganyari ng babaeng iyon, tatayo siay sa stage ng eskuwelahan at mula doon ay ipamamahagi niya ang mga relief goods, kung kanino man niya maiabot.  Alam na raw ng maga namamahala ng center ang gustong mangyari ng babae: ang makunan siay ng litrato at video habang kunwa’y pinagkakaguluhan ng mga biktima—unat man o kulot.  Nasunod ang gusto nung babae, ngunit ang mga unat lamang ang nagkagulo sa kanyang relief goods.  Ayon sa namamahala ng center, nasanay na raw kasi ang mga kulot sa organisadong pagkuha ng mga relief goods.  Pero nagreklamo rin sila nung bandang huli kung bakit hindi sila nakatanggap ng tulong.  Iiling-iling na kinuha ni Benjie ang pangalan ng babaeng iyon.

25    Ire-report mo?

26    Hindi.

27    Susulatan mo?

28    Hindi.

29    Ano’ng gagawin mo?

30    Ipakukulam ko.  Ang putang inang iyon.  Anong akala iya sa sarili niya, Diyos?  Isulat mo iyon, ha.  Para malaman ng lahat na hindi lahat ng nagbibigay ng tulong ay nais talagang tumulong.

31    Takot din siyang makipagrelasyon.  At dir in siya nanlalalaki,  ‘yun bang namimik-ap kung saan-saan.  Bukod sa takot itong si Benjie na mgkaroon ng sakit at mabugbog, di rin niya gustong arrangement ang money for love.  Gusto niya, true love at meaningful relationship.


32    ‘YUN DIN NAMAN ang hanap ko.  Now, don’t get me wrong.  I’m straight, okay?

33    Si Carmi ang pinakahuling nagging syota ko.  Sabi nila maganda.  Sabagay, maganda naman talaga itong si Carmi.  Sexy pa.  Ewan ko nga lang dito kay Carmi kung bakit laging nagseserlos sa akin.  Hanggang ngayon, di pa niya maintindihan ang nature ng trabaho ko, e dalawang taon na kaming magsyota.  Kung mag-demand sa akin, para bang gugunawin ng Diyos ang mundo kinabukasan.  E, para sa akin, di rin ito ang ibig sabihin ng meaningful relationship.  Ayoko nang binabantayan ang lahat ng kilos ko.  Ayoko ng laging ini-interrogate.  Ayaw ko ang pinamimili ako between my career at babae.  Para sa akin, pareho itong bahagi ng future ko.

34    Last year, inisplitan ako ni Carmi.  Di na raw niya ma-take.  Gusto raw muna niyang mag-isip-isip tungkol sa aming relasyon.  Gusto raw niyang magkaanak sa akin, pero di niya tiyak kung gusto niya akong pakasalan.  Naguluhan din ako.  Parang gusto kong ayaw ko.  Mahal ko si Carmi, and I’m sure of that.  Pero kung tungkol sa pagpapakasal, out of the question ang usaping ‘yun.  Una, di kayang buhayin ng sweldo ko ang pagbuo ng isang pamilya.  Pangalawa, di ko alam kung ang pagpapakasal nga ay solusyon para matigil na ang pagdedemand sa akin ni Carmi.  At pangatlo, di rin sigurado itong si Carmi sa gusto niyang gawin.  Pumayag ako.

35    Almost one year din akong walang syota.  Isinubsob ko ang sarili sa trabaho.  Pero, from time to time, nagkikita kami ni Carmi para magkumustahan.  Well, every time na nagkikita kami ni Carmi para magkumustahan, bigla ko siyang mami-miss, kung kailan kaharap ko na.  Siguro’y dala ng lungkot o ng libog.  Kung anuman ang dahilan ng pagka-miss ko sa kanya ay di ko tiyak.  Pinipigilan ko na lang ang sariling ipadama sa kanya ang nararamdaman ko, dahil sa tingin ko’y mas naging masaya siya mula nang isplitan niya ako.  Nakakahiya naman yatang ako pa ang unang umamin na gusto ko ulit siyang balikan, e siya itong nakipag-break sa akin.

36    Naipakilala ko si Carmi kay Benjie sa isa sa mga dates na iyon.  At naikuwento ko na rin noon kay Benjie ang tungkol sa nakaraan namin ni Carmi.

37    Carmi, this is Benjie.  Benjie, this is Carmi.

38    Hi.

39    Hello.


40    DAAAY.  MAGANDA ANG Carmi.  Mas maganda at mas sexy kaysa kay Carmi Martin.  Pinaghalong Nanette Medved at Dawn Zulueta ang beauty ng bruha.  Ano?  At bakit naman ako mai-insecure, ‘no?  May sariling ganda yata itong ditse mo.  At isa pa, wa ko feel makipag-compete sa babae.  Alam ko namang may naibibigay ang babae sa lalaki na di ko kaya.  Pero manay.  Mayroon din akong kayang ibigay sa lalaki na di kayang ibigay ng babae  Kaya patas lang… kung may labanan mang magaganap.  Pero maganda talaga ang bruha.  Bagay na bagay sila ni Mike, e ang kulang na lang sa kanila ay isang fans club at buo na ang kanilang love team.  Nanghihinayang talaga ako sa kanilang dalawa.  They’re such a beautiful couple.  Na-imagine ko agad ang kanilang magiging mga anak.  The heirs to the thrones of Hilda Koronel and Amalia Fuentes o kaya’y ni Christopher de Leon at Richard Gomez.  Noong una, medyo naaalangan ako kay Carmi.  Para kasing nu’ng makita ko silang dalawa, ang pakiramdam ko, kalabisan na ako sa lunch date na pinagsaluhan namin.  Di naman feeling of insecurity dahil ang gusto ko lang, makausap sila ng tanghaling iyon at baka sakaling maayos na ang kanilang relationship.  Tingin ko naman dito ky Carmi, ganoon din.  Parang may laging nakaharang na kutsilyo sa kanyang bibig ‘pag nagtatanong siya sa akin o kay Mike.  Di kaya siya na-insecure bigla sa beauty ko?  Tingin n’yo?


41    NAGING MAGKAIBIGAN na nga kami ni Benjie.  Kahit tapos na ang ginagawa kong article tungkol sa kanilang project, madalas pa rin kaming magkita.  Nag-iinuman kami, nanonood ng sine, o kaya’y simpleng kain sa labas o pagbili ng tape sa record bar.  Marami naman akong naging kaibigang lalaki, pero iba na ang naging pagkakaibigan namin ni Benjie.  Noong una’y naalangan nga ako.  Aba, e baka ‘ka ko mapaghinalaan din akong bakla kung isang bakla ang lagi kong kasama.  Sabagay, di naman kaagad mahahalatang bakla nga itong si Benjie.

42    Loveable naman si Benjie.  Kahit may katarayan, mabait naman.  Okey, okey, aaminin ko.  Sa kanya ko unang naranasang magkaroon ng lakas ng loob na ihinga ang lahat ng nararamdaman ko.  ‘Yun bang pouring out of emotions na walang kakaba-kabang sabihan kang bakla o mahina.  At pagkaraan ay ang gaan-gaan ng pakiramdam mo.  Sa barkada kasi, parang di nabibigyan ng pansin ‘yang mga emotions-emotions.  Nakakasawa na rin ang competition.  Pataasan ng ihi, patibayan ng sikmura sa mga problema sa buhay, patigasan ng titi.  Kapag nag-iinuman kami (at dito lang kami madalas magkasama-sama ng barkada), babae at trabaho ang pulutan namin.  Sino ang pinakamahusay mambola ng babae, sino sa mga waitress sa katapat na beerhouse ng opisina ang nadala na sa motel, sino ang pinakahuling sumuka nu’ng nakaraang inuman?  Well, paminsan-minsan, napapag-usapan ang tungkol sa mga problemang emosyonal, pero lagi at lagi na lang nagpapaka-objective ang barkada.  Kanya-kanyang pagsusuri ng problema at paghahanap ng immediate solutions bago pa man magpakalunod sa emotions.  Kaya hindi ako sanay ng nagsasabi kung ano ang nararamdaman ko.  Ang tumbok agad, ano ang problema at ano ang solusyon.  Pero, ‘yun nga, iba pala kapag nasusuri mo rin pati ang mga reactions mo sa isang problema, basta nase-share mo lang kung bakit ka masaya, kung bakit ka malungkot.  Kay Benjie ko nga lang nasasabi nang buong-buo ang mga bagay na gusto kong gawin, ang mga frustrations ko, ang mga libog ko.  Mahusay makinig itong si Benjie.  Naipapakita niya sa akin ang mga bagay na di binibigyan ng pansin.  Tulad ng pakikipagrelasyon ko kay Carmi.  May karapatan naman daw mag-demand si Carmi sa akin dahil siya ang kalahating bahagi ng relasyon.  Baka daw kasi di ko pa nalalampasan ang nangyari sa akin nang iwan na lamang ako basta-basta nu’ng una kong syota kaya di ko mabigay ang lahat ng pagmamahal ko kay Carmi.  Di lamang daw ako ang laging iintindihin.  Unawain ko rin daw si Carmi.


43    DI BA TOTOO naman?  Na baka mahal pa rin niya talaga si Carmi?  Kahit ba mag-iisang taon na silang break, nagkikita pa rin naman sila paminsan-minsan.  Ni hindi pa nga siya nakikipag-relasyon sa ibang babae after Carmi.  Ito ngang si Joana, panay na ang dikit sa kanya ‘pag dinadaanan ako ni Mike sa office, di pa rin niya pansin.  Babagay, di naman talaga niya matitipuhan si Joana.  Not after Carmi.

44    So, noong una, sabi ko, wala namang masama kung magiging magkaibigan kami.  Nasa sa akin na ang problema kapag nahumaling na naman ako sa lalaki.  Madalas kaming lumabas, lalo na after office hours at during weekends.  Manonood ng sine, kakain, iimbitahan ko siya sa apartment for beer o kapag may niluto akong espesyal na ulam o kaya’y nag-prepare ako ng salad.  Kapag umuwi ako sa Los Baños para umuwi sa amin, sumasama siya minsan.  Na-meet na nga niya ang mother ko.  Nagpapalitan din kami ng tapes at siya ang natuturo sa akin ng mga bagong labas na computer programs.

45    So, okey lang.  Pero unti-unti, di na lang tapes at salad o computer programs ang pinagsasaluhan namin.  Aba, at may kadramahan din sa buhay itong si Mike.  Ang dami pa raw niyang gustong gawin sa buhay na parang di niya kayang tuparin.  Gusto raw niyang makapagsulat ng libro, gusto raw niyang mag-aral muli, gusto raw niyang mag-abroad.  Kung bakit daw kasi di pa niya matapus-tapos ang kanyang M.A. thesis para makakuha siya ng scholarship?  Kung kuntento na raw ba ako sa buhay ko?  Ang lahat ng iyon ay kayang-kaya kong sagutin para kahit papaano ay ma-challenge siya na gawin niya kung ano ‘yung gusto niya at kaya niyang gawin.  Maliban na lang sa isang tanong na unti-unti ko nang kinatatakutang sagutin nang totoo: kung mahal pa raw kaya niya si Carmi?


46    MADALAS AKONG MAGLASING na siya ang kasama, pero ni minsan, di niya ako “ginalaw” (to use the term).  May mga pagkakataong tinutukso ko siya, pero di siya bumibigay.  Tinanong ko nga minsan:

47    Don’t you find me attractive, Benjie?

48    At bakit?

49    Wala.

50    Wala rin naman akong lakas ng loob na sabihin sa kanya kung bakit.  Baka siya masaktan, baka di niya maiintindihan, baka lumayo siya sa akin.  Ayaw kong lumayo sa akin si Benjie.

51    Di rin naman perpekto itong si Benjie.  Pero di ko rin alam kug ituturing kong kahinaan ang naganap sa amin minsan.  Kung kasalanan man iyon, dapat sisihin din ako.

52    Nagkasunod-sunod noon ang mga disappointments ko.  Di ko matapus-tapos ‘yung article na ginagawa ko tungkol sa open-pit mining sa Baguio dahil nagkasakit ako ng tatlong araw at naiwan ako ng grupong pumunta sa site para mag-research.  Na-virus ‘yung diskette ko ng sangkaterbang raw data ang naka-store.  Nasigawan ako nu’ng office secretary na pinagbintangan kong nagdala ng virus sa aming mga computers.  Na-biktima ng akyat-bahay ‘yung kapatid kong taga-Ermita.  At tinawagan ako ni Carmi, nagpaalam dahil pupunta na raw siya sa States.

53    Ang dami kong nainom noon sa apartment ni Benjie.  Nang nakahiga na kami, yumakap ako sa kanya, maghigpit.  Bulong ako nang bulong sa kanyang tulungan niya ako.  Kung ano ang gagawin ko.  Pakiramdam ko kasi, wala akong silbi.  Ni ang sarili kong mga relasyon ay di ko maayos.  Alam kong nabigla si Benjie sa pagyakap ko sa kanya.  Kahit nga ako’y nabigla sa bigla kong pagyakap sa kanya.  Pero parang sa pagyakap ko kay Benjie ay nakadama ako ng konting pahinga, ng konting kagaanan ng loob.  Matagal bago niya ako sinuklian ng yakap.  Na nang ginawa niya’y lalong nagpagaan sa pakiramdam ko.  At natatandaan ko, hinalikan niya ako sa labi bago kami tuluyang nakatulog.

54    Ako ang hindi makatingin sa kanya nang diretso kinabukasan.

55    Sorry.

56    For what?

57    Kagabi, tinukso kita uli.

58    Nagpatukso naman ako, e.

59    Pero wala namang malisya sa akin iyon.

60    ‘Wag na nating pag-usapan.

61    Nakatulog ka ba?

62    Hindi.

63    Bakit?


64    Binantayan kita.

65    Bakit?

66    Iyak ka ng iyak.

67    Oo nga.  Para akong bakla.

68    Di porke bakla, iyakin.

69    Sorry.

70    Mag-almusal ka na.  Di ka ba papasok?

71    Hindi muna.  Labas na lang tayo.

72    Marami akong gagawin sa office.  Di ako pwede.

73    Pwedeng dito na lang muna ako sa bahay mo?

74    Sure.  Mamayang gabi na lang tayo lumabas.

75    Sige.  Ikaw ang bahala.

76    Inaamin ko ulit.  Kakaibang closeness ang nadama ko kay Benjie mula nung gabing iyon.  Noong una’y idini-deny ko pa sa sarili ko.  Pero sa loob-loob ko, bakit ko idi-deny?  Anong masama kung maging close ako sa isang bakla?  Kaibigan ko si Benjie, and it doesn’t matter kung anong klaseng tao siya.  Sigurado naman ako sa sexuality ko.  ‘Yun ngang mga kasama ko sa trabaho, okey lang sa kanila nang malaman nilang bakla pala si Benjie.  Di sila makapaniwalang bakla si Benjie at may kaibigan akong bakla.  E, super-macho ang mga iyon.  Ingat lang daw ako.  Na ano?  Baka raw mahawa ako.  Never, sinabi ko pa.  Hanggang kaibigan lang.

77    Si Benjie ang nahalata kong medyo lumayo sa akin.  Dumalang ang paglabas namin.  Lagi siyang busy sa trabaho.  Laging nag a-out of town.  Di ako nagkalakas ng loob na tanungin siya kung bakit.  Baka ‘ka ko hinala ko lang na nilalayuan niya ako.  Naging busy uli ako sa trabaho.  Hinayaan ko na lang muna ang paglayo ni Benjie sa akin.


78    SINASABI KO NA NGA ba, walang patutunguhang maganda ang pagka-kaibigan namin nitong si Mike.  Ayoko, ayoko, ayokong ma-in love.  Di ko pa kayang masaktan muli.  Ayokong sisihin niya ako sa bandang huli.  Baka mawala ang respeto niya sa akin.  Baka masira ang magandang pagkakaibigan namin.  Pero, Mike, di ako perpektong tao.  May damdamin ako, may libog ako, marunong din akong umibig at masaktan.  Ang drama, ateee.  Pero ang mga ito ang gusto kong sabihin sa kanya nang gabing iyon.  Gusto ko siayng tilian at sabihing: tigilan mo ako, kung gusto mo pang magkita tayo kinabukasan!  Naloka talaga ako nang bigla na lang siyang yumakap sa akin.  E, ano naman ang gagawin ko, ano?  Lungkot na lungkot na nga ‘yung tao, alangan namang ipagtabuyan ko pa.  At para ano?  Para lang manatili akong malinis sa kanyang paningin?  Para lang mapatunayan sa kanyang ako ang baklang ipagduldulan man sa lalaking nasa kalagayang tulad niya, sa gitna ng madilim na kuwartong kaming dalawa lang ang laman, ay di lang yakap at halik ang gusto kong isukli sa kanya nang gabing iyon.  At di rin kahalayan.  Gusto ko siyang mahalin.  Gusto kong ipadama ang nararamdaman ko para sa kanya.  Isang gabi lang iyon.  Marami pang gabi ang naghihintay sa amin.  At di ako bato para di matukso.  Higit sa lahat, bakla ako.

79    Take it easy, Benjie.

80    How can I take it easy, Mike, biglang-bigla ang pagkamatay ni Nanay.  Ni hindi ko alam ngayon kung magsu-survive ako nang wala siya.

81    Kaya mo, matatag ka naman.

82    Not without Nanay.  Napaka-dependent ko sa kanya.  Alam mo ‘yan.

83    Nandito naman ako, Benjie.

84    Napatingin ako kay Mike.  Oh, my hero!  Sana nga’y totoo ang sinasabi mo.  Sana nga’y nandito ka pa rin five or ten years after.  Kahit di ko na iniinda ang pagkawala ng nanay.  Sana nga’y nandiyan ka pa rin even after one year.  Ewan ko lang, Mike.  Di ko alam kung alam mo nga ang sinasabi mo.

85    Pampadagdag talaga sa mga dalahin ko itong si Mike.  Sa halip na isipin ko na lang kung paano mabuhay nang wala ang nanay ko, iisipin ko pa ngayon kung paano mabuhay nang wala siya.  Okay, okay, I admit it.  Mahal ko nga si Mike.  Pero sa sarili ko lang inaamin ito.  Hanggang doon lang.  Di ko kayang sabihin sa kanya nang harap-harapan.  He’s not gay.  Imposibleng mahalin din niya ako ng tulad ng pagmamahal ko sa kanya.  Kaibigan ang turing niya sa akin.  At alam ko na kung ano ang isasagot niya sa akin kapag ipinagtapat ko sa kanyang higit pa sa kaibigan ang pagmamahal ko sa kanya ngayon: that we are better off as friends.  Masakit iyon, daaay.  Masakit ang ma-reject.  Lalo na’t nag-umpisa kayo bilang magkaibigan.  Nasawi ka na sa pag-ibig, guilty ka pa dahil you have just betrayed a dear friend and destroyed a beautiful friendship.

86    Naalala ko ang Nanay.  Di niya inabutan ang lalaking mamahalin ko at makakasama sa buhay.  Sana raw ay matagpuan ko na “siya” agad, bago man lang siya mamatay.  Noong una niyang makilala si Mike, tinanong niya ako kung si Mike na raw ba?  Ang sagot ko’y hindi ko alam.


87    NANDITO NAMAN AKO.

88    Tumingin sa akin si Benjie.  Napatingin din ako sa kanya.  Siguro’y kapwa kami nabigla sa sinabi ko.  Nandito naman ako.  Ano ba ang ibig sabihin nito?  Well, nandito ako as your friend.  I’ll take care of you.  Di kita pababayaan.  Ganyan ako sa kaibigan, Benjie.  Pero sa sarili ko lang nasabi ang mga ito.  Buong mgadamag nag-iiyak si Benjie sa kuwarto nang gabing iyon bago ilibing ang nanay niya.  Hinayaan ko siyang yumakap sa akin.  Hinayaan ko siyang pagsusuntukin ang dibdib ko.  Yakap, suntok, iyak.  Hanggang sa makatulog sa dibdib ko.  Noon ako naiyak.

89    Tahimik pa rin si Benjie hanggang sa matapos ang seminar na dinaluhan niya sa Baguio.  Habang sakay ng bus pauwi, noon lamang siya nagsalita.

90    Sorry sa mga sinabi ko kagabi sa bar, Mike.

91    Sabi ko na’t ‘yun pa rin ang iniisip mo.

92    Bakit, di mo ba naiisip ang ibig sabihin nu’ng mga sinabi ko sa ‘yo?

93    Inisip ko rin.  So what’s wrong with that?

94    What’s wrong?  Mike, umaasa ako sa imposible.

95    Di masamang umasa.

96    Kung may aasahan.  At alam ko namang wala.

97    But don’t you think we are better off as friends?

98    (Sabi ko na.  Sabi ko na!)  But I’ve gone beyond my limits.

99    Alam mo naman ang ibig kong sabihin.

100 So what do you expect from me?


101 ANO BA TALAGA ang gustong palabasin nitong si Mike?  Ni hindi nagalit.  Di rin naman nagko-confirm na mahal din niya ako.  Ay naku daaay, imbyerna na ako, ha!  Ayoko ng mga guessing game na ganito.  Pero mukhang masaya siya sa mga nangyayari sa buhay niya lately.  Open pa rin siya sa akin at mukhang wala namang itinatago.  Wala naman siyang resentment nang sabihin niya sa aking umalis na sa Pilipinas si Carmi.

102 Pero ako na naman ang naipit sa sitwasyon.  Kung pagdedesisyunin ko siya, baka di ko makaya.  Pero dalawa lang naman ang maaari niyang isagot: oo, mahal din niya ako bilang lover.  Ang problema na lang ay kung matatanggap kong hanggang sa pagiging magkaibigan na lang talaga ang relasyon namin.

103 Ayain ko kaya siyang maki-share sa aking apartment?  ‘Pag pumayag siya, di magkakaroon ako—at kami—ng pagkakataong palalimin ang aming relasyon.  ‘Pag tumanggi siya, bahala na.  Sanay na naman akong nag-iisa.

104 Tiningnan ko sandali si Mike at pagkaraan ay muli kong ibinalin sa may bintana ang aking tingin.  Mabilis ang takbo ng bus sa North Diversion Road.  Mayamaya lang ay nasa Maynila na kami.  Sana, bago kami makarating ng Maynila, masabi ko sa kanya ang balak ko.  Ano kaya ang isasagot ni Mike?


105 DI NA SIYA uli nagsalita.  Pero, habang nagbibiyahe kami ay marami na uli akong naikuwento sa kanya.  Nai-enroll ko na uli ‘yung M.A. thesis ko at papasok na uli ako this semester.  Tinanong ko siya kung pwede niya akong tulungan sa research dahil ‘yung thesis ko rin ang balak kong pag-umpisahan ng isusulat kong libro.  Ikinuwento ko ring umalis na si Carmi at kasama ako sa mga naghatid.  Tumawag nga rin daw sa kanya at ibinigay ang address sa States para raw sulatan niya.  Tinanong ko kung susulatan niya.  Kung may time raw siya.

106 Inaya niya akong umuwi sa Los Baños para dalawin ang puntod ng nanay niya.  Sabi ko’y sure this coming weekend.

107 ‘Yung tungkol doon sa sinabi niya sa akin noong isang gabi, pinag-iisipan ko naman talaga nang malalim.  Di ako na-offend pero di rin naman ako sure kung gusto ko nga ulit marinig sa kanyang mahal niya ako.  Natatakot akong magbigay ng anumang reaksyon sa kanya.  Baka ma-misinterpret niya ako.  Ayokong mag-away kami dahil sa nararamdaman niya sa akin at nararamdam ko sa kanya.  One thing is sure, though.  Ayokong mawala si Benjie sa akin.  Napakahalaga niya sa akin para mawala.

108 Ang balak ko’y ganito: tatanungin ko siya kung puwede akong maki-share sa kanyang apartment.  ‘Pag pumayag siya, di mas mapag-aaralan ko kung ano talaga ang gusto ko—at namin—na mangyari sa aming relasyon.  Kung gusto ko siyang makasama nang matagalan.  Kung mahal ko rin siya.  Kapag hindi, we’ll still be friends.

109 Mabilis ang takbo ng bus sa North Diversion Road.  Nakatingin sa labas ng bintana si Benjie.  Alam kong nahihirapan siya.  Kinuha ko ang palad niya at pinisil ko ito.  Kung bakla rin ako?  Hindi ako sigurado.  But, does it matter?


(1991)

  • Share:

You Might Also Like

0 comments