Tatlong Sulok ng Pag-ibig

By DJ Workz - November 27, 2017








TATLONG SULOK NG PAG-IBIG
Chris de Jesus

(Lalaki)
Pangako ko’y tutuparin hanggang doon sa libingan
Ikaw lamang ang sa puso’y mamahalin nang lubusan
Pag-ibig ko’y walang kupas at wala ring katapusan
Manalig ka, aking mahal, ako’y tapat sa sumpaan

Kung sakaling may pagsubok na sa atin ay darating
Kumapit ka sa bisig ko’t ito’y aking haharapin
Tandaan mo, aking mahal, ako’y handang sagupain
Ang anumang kahirapang sa buhay ko’y susuungin

(Babae)

Pag-ibig ko’y iyong-iyo buong puso’t kaluluwa
Angkinin mo ang pagsuyong sa tuwina’y nadarama
Ang buo kong pagmamahal ay sa iyo lamang, sinta
Ngayon at kailanpaman ako’y hindi mag-iiba.

Karamay mo sa pagsalag maging anumang pagsubok
Kahati mo sa ligaya habang puso’y tumitibok
Sa dibdib ko’y ikaw lamang nag-iisang iniluklok
Kaya hanggang sa libingan tapat ako sa pag-irog

(Tadhana)
Madilim ang kalawakan, ang panahon ay masungit
Maalon ang karagatan, ang hangin ay nagagalit
Ang talampas ay matunog sa ragasa noong tubig
Madagundong yaong kulog, ang kidlat ay nanghahaplit

Matarik ang mga bundok, daraanan ay mabato
Madawag ang kagubatan, matinik ang bawat dako
Mahaba ang lalakbayin at nagkalat yaong tukso
Waring di na makakayang dagdagan ang sakripisyo

Unti-unti ay kumalas ang daop ng mga palad
Unti-unti ay lumuwag ang higpit ng mga yakap
Ang daigdig ay natulig sa matunog na halakhak
Pagkat muling nagtagumpay isinugo n’yang alagad

  • Share:

You Might Also Like

0 comments